Wednesday, February 3, 2010
Categorized | benguet mummies, kabayan mummies
Benguet Mummies
3:14 PM
Benguet Mummies
Ang mga Benguet Mummies ay kilala din bilang Kabayan Mummies, Fire Mummies, o ang Ibaloi Mummies. Ito ay makikita sa Kabayan, Benguet sa Cordillera Mountain Ranges sa hilagang Luzon ng Pilipinas. Ang mga mummy o mga bangkay ng tao na inembalsamo at tumagal nang mahabang panahon na hindi nabubulok, ay gawa ng mga tribo ng Ibaloi (noong 10th hanggang 16th century), ang natatanging tribo na nagsasagawa ng mummification sa Pilipinas.
Ang mga prineserbang tao ay inisyal na natagpuan sa kuweba ng Timbak cave, Bangao cave, Tenongchol cave, Naapay at Opdas. Ngunit nang ang mga bangkay ay muling natagpuan noong taong 1900s, marami ang nanakaw kasama na dito ang "smiling mummy" (ninakaw noong 1970), na kilala sa pagkakaroon ng buo at kumpletong ngipin.
Tradisyon ng mga Ibaloi
Ilang daang taon na ang nakalilipas, tradisyon na ng mga Ibaloi ang pageembalsamo sa kanilang mga patay upang hindi maagnas. Ang kaugaliang ito ay natigil noong 1500s nang dumating ang mga Kastila at ipinalaganap ang Kristiyanismo sa rehiyon.
Mahigit 200 man-made burial caves ang natagpuan at 15 dito ang naglalaman ng preserved human mummies.
Pamamaraan
Ang pamamaraan ng pageembalsamo ng mga Ibaloi sa kanilang mga yumao ay nagtatagal ng ilang buwan at kung minsan pa ay taon. Ito ay naguumpisa bago pa man mamatay ang tao. Pinaiinom ang taong nag-aagaw buhay ng isang napaka-alat na inumin ilang araw bago siya mamatay. Kapag siya ay pumanaw na, ang kaniyang katawan ay lilinising mabuti at papaupuin sa isang silyang tinatawag nilang sangadil o (death chair). Ito ay pinapausukan ng ilang buwan gamit ang mahinang apoy hanggang matuyo ang laman nito. Isang banga din ang inilalagay sa ilalim ng upuan upang maipon dito ang katas na nagmula sa katawan ng patay. Kapag nasimot na ang likido o katas, ang katawan ng patay ay ibibilad naman sa araw upang mas mapadali ang panunuyo ng katawan. Ang panlabas na balat ay inaalis ng mga pinuno at pinauusukan ang loob ng katawan gamit ang usok ng tobacco upang mas mapabilis pa ang panunuyo ng lamang-loob. Ang katas naman ng mga halamang-damo ay tuluy-tuloy na ipinapahid ng dahan-dahan sa tuyong katawan ng namatay. Pagkatapos ang bangkay ay inilalagay sa isang pinewood coffin at inililibing ililibing sa mga kuweba sa mga bundok ng Benguet o di kaya sa isang uka sa matarik na bato o bangin.
Mga paghirang
Ang mga mummies na ito ay hinirang bilang isa sa 100 Most Endangered Sites in the World na ginawad ng Monument Watch, isang non-profit organization na inihahandog para sa preserbasyon ng mahahalagang monumento at lugar. Ito rin ay nakasama sa World Monuments Preservation List ng American Express Foundation noong 1998.
Ang libingan ng mga mummies sa kuweba ay opisyal din na prinoklama bilang isa sa mga Philippine National Cultural Treasures alinsunod sa Presidential Decree No. 374 kung saan may layuning preserbahin, protektahan at pangalagaan ang mga ito para sa susunod na henerasyon at bilang pagpapatunay din ng abilidad at pagkamalikhain kaugnay ang religious belief ng kultura at tradisyon ng mga Ibaloi.
Mga pagnanakaw
Noong taong 2000, ang mga Benguet mummies ay inanunsyo na ibinibenta sa Europa sa halagang P310,000. Noong ding taong yun, mga sampung mummies naman ang itinanghal (exhibit) sa San Francisco sa bansang Amerika. Ang gobernador ng Benguet na si Raul Molintas ay humingi ng tulong kay Presidente Arroyo upang maibalik ang mga mummies, na pinanniwalaan ng mga lider ng tribo na ninakaw sa bayan ng Kabayan. Ang secretary general ng Unesco National Commission na si Dr. Preciosa Soliven at ang kalihim ng Department of Foreign Affairs na si Blas Ople ay hinigian din ng tulong sa pagbabalik ng mga ninakaw na mummies.
Noong 2004, walong century old mummies na ninakaw noog taong 1960s ang naibalik sa kanilang kuwebang libingan sa Sitio Timbac at isang death ritual ang ginanap na tinatawag na "kape." Nag-alay sila ng apat na baboy bilang pag-alay sa mga espiritu ng kanilang mga ninuno.
Pangangalaga
Ang mga libingan sa kuweba ng mga mummies sa Benguet ay binuksan sa mga turista noong 1970s. Mula noon, ang mga pagnanakaw sa mga ito ay naging malimit. Ang mga opisyal ng Benguet ay sumang-ayon sa pagpapalagay ng bakod na gawa sa bakal at magkaloob ng pondo para sa pagpapanatili ng mga ito at bilang kapalit din ng pagbabalik ni Apo Anno, isang mummy na ninakaw at pinaniniwalaang isang mataas na pinuno sa Benguet at anak ng isang diyosa.
Ang mga Kankana-ey ay naniniwalang ang pagbabalik ni Apo Anno ay makapaghahango sa rehiyon mula sa mga lindol at hindi magandang pag-aani na dulot ng sumpa.
.
.
This article was posted by:
Humarri of www.watwatworld.com - who has written and posted articles on this website. .
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 Responses to “Benguet Mummies”
Post a Comment